NAGA CITY- Arestado ang dalawang pinaniniwalaang miyembro ng Dawlah Islamiyah sa isinagawang joint operations ng Armed Forces of the Phils. at
Philipine National Police sa Calamba, Laguna at Tayabas, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Bobby Cabugatan at Saiidi Maamor Saro aka Abu Hudaifa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Col. Dennis Caña tagapagsalita ng Southern Luzon Command (SOLCOM) sinabi nitong, naaresto
ang suspek sa gitna ng mas pinaigting na kampanya ng AFP at PNP para sa seguridad ng mga lugar na sinasabing nakatakdang pagdausan ng SEA Games.
Ayon kay Caña, naaresto si Cabugatan sa lungsod ng Calamba habang si Hudaifa sa lungsod ng Tayabas, sa kanila mismong mga bahay.
Aniya, matagal na rin itong minamanmanan ng mga otoridad at napag-alaman na halos isang taon pa lamang ang mga ito sa Luzon Area.
Narekober rin sa mga ito ang dalawang pipe bombs, tatlong hand grenade at ilang ISIS artifacts.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and
Ammunition Act at PD 1866 o Illegal Possession of Explosive Devices.Top