NAGA CITY – Patay ang isang pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo matapos mauwi sa armed confrontation ang pagsisilbi lamang sana ng warrant of arrest sa Brgy. Buluang, Bato, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Rico Gerobin, umano’y miyembro ng Concepcion group at residente sa naturang bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na huhulihin lamang umano ng mga otoridad ang ang naturang suspek para sa kinakaharap nitong kasong murder at attempted murder.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtangka pa umanong tumakas si Gerobin at pinaputukan pa ang mga pulis.
Dahil dito, napilitan din umanong gumanti ng putok ang mga pulis na naging dahilan ng pagkamatay ni Gerobin.
Narekober naman ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .38 na baril na may laman na limang bala.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.