NAGA CITY – Puspusan na ang isinasagawang training ni Pinoy Boxer Carlo Paalam ilang oras bago ang magiging laban nito sa pambato ng Ireland sa nagpapatuloy na Paris Olympics 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Elmer Pamisa, coach ni Filipino Boxer Carlo Paalam, sinabi nito na puspusan ngayon ang kanilang pag-eensayo upang mas mapagtuonan pa ang mga weak points ni Carlo.
Dahil sa mababang timbang ng boksingero, kinakailangan na mas ma sustain pa nito ang kaniyang bilis at bilis ng kaniyang suntok, aniya matalinong manlalaro naman si Paalam na isa sa mga advantage nito laban sa kaniyang mga nakakalaban.
Binigyang diin pa ni Pamisa na inaaraw-araw na nila ang training upang mas maikondisyon pa ang katawan ni Carlo. Sa katunayan umanoy hindi na nito hinahayaan pa ang boxer na magpuyat pa upang mapanatili ang maayos na kalagayan ng kaniyang isipan.
Ipinagmalaki naman ng coach nito na sa kabila ng naging tagumpay ng boksingero sa Tokyo Olympics kung saan nasungkit nito ang silver medal, nananatili itong masunurin sa kaniyang mga ipinapagawa at training.
Napakaimportante kaya umano ng pagiging masunurin ng isang boksingero sa kaniyang coach dahil dito mas nagiging disiplinado ang mga ito at nagtutulungan sila sa pagbuo ng mga diskarte sa bawat laban.
Sa ngayon, isa ang pambato ng Uzbekistan sa kanilang ikinokonsidera na mahigpit na kalaban dahil nakalaban na rin ito ni Paalam noon sa Sea Games ngunit kahit nanalo ay medyo nahirapan rin ito na talunin ang nasabing boksingero.
Patuloy naman na susuntok ang Filipino Boxer kasama ang kaniyang mga kapwa boksingero patungo sa pagsungkit ng gintong medalya para sa ating bansa sa Paris Olympics 2024.