NAGA CITY – Pinagpapasalamat ng mga Pinoy sa Egypt na walang Pinoy ang nadamay sa naitalang malawakang sunog sa isang simbahan sa Giza City sa nasabing bansa.
Ito ang kinumpirma ni Bombo International News Correspondent Jaramie Kimo Akiapat, mula sa nasabing bansa, sa panayam ng Bombo Radyo Naga.
Kung maaalala, umabot sa 41 ang bilang ng mga binawian ng buhay sa insidente kung saan 18 dito ang mga kabataan.
Ayon pa dito, nagsasagawa ng pagsamba ang mga tao sa simbahan ng sumiklab ang sunog dahil sa electrical wiring kung kaya marami ang nadamay sa insidente.
Dagdag pa ni Akiapat ng mangyari ang sunog, nagkaroon pa ng stampede dahil sa pag-panic ng mga tao sa loob ng simbahan.
Ang pinagtataka lamang umano ng mga residente sa lugar kung paanong umabot pa sa nasabing bilang ang mga namatay.
Sa ngayon, nagtutulong-tulong naman na umano ang iba’t-ibang mga ahensiya ng gobyerno para sa pamilya ng mga biktima maging sa mga nasugatan.
Maliban pa dito, nangako naman ang presidente ng Egypt na magbibigay ng tulong sa nasabing mga biktima.