NAGA CITY- Tinatayang nasa P208,000 ang kabuuang pinsala na iniwan ng magnitude 5.6 na lindol na tumama sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Kung maalala, kahapon nang mairehistro ang pagyanig sa nasabing lugar.
Ayon kay Arcris Canillo, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer 3 sa nasabing lugar, sinabi nito na ang epicenter ng lindol ay naitala sa Barangay Claudio Salgado sa nasabing bayan.
Dahil sa lakas ng pagyanig, napinsala nito ang limang mga kabahayan sa bahagi naman ng Barangay San Agustin, Sablayan, Occidental Mindoro.
Samantala, patuloy pa naman aniya ang monitoring ng MDRRMO sa mga naitatalang aftershocks kasunod ng lindol.
Ayon kasi kay Canillo, nakapagtala na sila ng mahigit sa 40 aftershocks sa nasabing bayan.
Sa ngayon, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Sabalayan ang financial assistance lalo na sa labis na naapektuhan ng nasabing lindol.