NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit kumulang P100-K ang halaga ng iniwang pinsala ng nangyaring sunog sa isang residential house sa Barangay Calauag, Naga City.
Mababatid, kahapon, Disyembre 04 nang masunog ang residential house na pag mamay-ari ni Korina Lazaro, 45-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Arwin Yap ng Bureau of Fire Protection – Naga, sinabi nito na maliban kay Lazaro mayroon itong kasamang tatlong anak, isang kasambahay at isang lola sa loob ng nasabing bahay.
Habang, ayon naman sa witness sa insidente nagsimula ang sunog sa kwarto ng isang anak ni Lazaro, kung saan nakita na lamang nito na malaki na ang apoy kung kaya agad nitong sinabihan ang kanyang kasamahan na lumabas ng bahay.
Sinubukan pa aniya ng mga ito na apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher ngunit hindi na ito kinaya pa.
Ayon pa kay Yap, tumagal ng 15 minuto bago maideklarang fire out ang nasabing insidente dahil na rin sa kapal ng usok kung kaya hindi agad nadetermina kung saan ito nagsimula.
Pinaniniwalaan naman na ang foam sa loob ng kwarto ang pinagmulan ng sunog na naging dahilan aniya para kumapal ng husto ang usok.
Sa kabutihang palad, zero casualties at wala namang nasaktan sa pamilya ng biktima at mga kapitbahay nito.
Sa ngayon, panawagan na lamang ng opisyal sa may mga kasamang bata sa bahay na ilagay sa matataas na parte ang mga kagamitan na pwedeng maging dahilan ng sunog tulad na lamang ng lighter, posporo at kandila.Top