NAGA CITY- Ginagamit ng isang hindi pa nakikilalang indibidwal ang pirma ng Alkalde sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur upang mang-scam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jes Camara, Mayor ng nasabing bayan, sinabi nito na ilang ahensya ng gobyerno ang pinuntahan ng nasabing indibidwal dala ang papeles o solicitation na mayroong lagda na dati naman nitong ginagamit.
Aniya, nilinaw na nito sa mga nabiktima ng scam na hindi na ito ang pirmang kanyang ginagamit dahil simula umano nang maging mayor ito sa kanilang bayan ay meron silang ibang papel na ginagamit na may laman na headers ng bayan ng Libmanan
Kadalasan rin umano na pinupuntahan ng scammer ay sa sektor ng edukasyon kung saan pinapakita nito sa guard ng paaralan na meron umano itong permiso mula sa alkalde na humingi ng boluntaryong donasyon.
Paglilinaw naman ng alkalde na kapag mayroon silang kailangan sa iba pang ahensya ng gobyerno o kanino man ay nakikipag-ugnayan sila sa mga ito at hindi umano sila gumagamit ng outsider.
Kaugnay nito, nagbigay na rin si Camara ng warning sa mga ahensya ng gobyerno na kapag may nakitaan pa ng ganitong pangyayari o napuntahan ng nasabing scammer ay ipagbigay alam agad ito sa kanilang opisina.