Plano ng Philippine National Oil Company (PNOC) na bumili ng hindi bababa sa isang milyong bariles ng diesel bilang reserba upang makatulong sa pagharap sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa pagitan ng United States, Israel at Iran, ayon sa Department of Energy.

Sinabi ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, na ang planong procurement ay magsisilbing reserba ng pamahalaan at ibebenta pa rin sa pamamagitan ng mga oil company upang makatulong sa seguridad ng suplay ng diesel sa bansa.

Ayon kay Abad, ibebenta ang diesel reserve sa presyong “at cost” o walang dagdag na tubo upang hindi lalong mapabigat ang presyo sa merkado.

Gayunman, nilinaw ng DOE na hindi agad mararamdaman ang epekto nito sa presyo ng langis sa susunod na linggo. Tinatayang maaaring tumaas ang presyo ng produktong petrolyo ng P7 hanggang P28 kada litro dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Batay sa datos ng DOE, umaabot sa humigit-kumulang 33 milyong litro o katumbas ng 200,000 bariles ng langis ang konsumo ng Pilipinas kada araw. Dahil dito, ang planong isang milyong bariles na reserba ay maaaring tumagal ng humigit-kumulang limang araw.

Ito ang ikaapat na hakbang na inihain ng DOE upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Kabilang din sa mga tinitingnang hakbang ang mga discount program mula sa oil companies at posibleng staggered o paunti-unting pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Samantala, sinabi ng DOE na posibleng sa Abril pa maipamahagi ang fuel subsidy mula sa Department of Agriculture at Department of Transportation dahil kailangan munang manatili sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude sa loob ng hindi bababa sa isang buwan bago mailabas ang pondo.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng tig-P5,000 ang kwalipikadong magsasaka at tig-P3,000 naman ang mga mangingisda bilang tulong sa pagtaas ng gastos sa krudo.

Advertisement