NAGA CITY – Target ngayon ng Police Regional Office (PRO5) na matukoy ang pinagtataguan ng iba pang mga convicted criminals na napalaya sa bisa na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Nabatid na out of 76 na mga released inmates, 24 pa lamang dito ang boluntaryong sumuko, isa ang napag-alaman na patay na habang 51 naman ang nananatiling pinaghahanap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP Bicol, sinabi nitong ang ilan sa mga hindi pa sumusukong preso ang mula sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Masbate at Camarines Sur na pawang may mga kasong murder at homicide.
Dalawa aniya sa mga presong boluntaryong sumuko ang na-iturn over na sa Bureau of Corrections habang ang iba naman ay nananatili pa sa kustodiya ng mga otoridad at naghihintay ng desisyon ng ahensya.
Samantala, ayon sa opisyal kahit tapos na ang ibinigay na 15 araw na palugit ng Presidente, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon upang matuntun ang kinalalagyan ng mga natitira pang GCTA beneficiaries.