NAGA CITY – Nilinaw ngayon ng isang opisyal ng kapulisan na hindi bala ang tumama sa apat kataong sugatan sa gitna ng isinagawang fluvial Procession sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Lt/Col. Errol Garchitorena, sinabi nitong habang itinutulak nila ang ambulansyang nakapasok sa barikada na nagsisilbing harang sa mga tao nang aksidenteng mahulog ang kanyang baril.
Kaugnay nito, nilinaw ni Garchitorena hindi ang bala mula sa kanyang baril ang tumama sa tatlong criminology student at isang hindi pa nakikilalang indibidwal kundi ang maliliit na aspaltong tumilapon dahil sa impak ng pagtama ng bala ng baril sa semento.
Nagpaabot naman ng dispensa si Garchitorena sa mga biktima habang handa aniya siyang tumulong sa pamilya ng mga estudyanteng nasugatan sakaling magkaproblema.
Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ni Garchitorena ang publiko na mag ingat sa ipinopost sa social media, aniya kailangan munang magsagawa ng imbestigasyon para maiwasan ang maling impormasyon na nagbibigay ng kalituhan sa publiko.
Samantala, bagamat may mga minor infractions, ayon sa Naga City Police Office, naging mapayapa at matagumpay naman ang kabuuang religious at civic activities sa nakarang Penafrancia Festival 2019.