Naghain ang Philippine National Police (PNP) ng pitong kaso kaugnay ng umano’y fuel hoarding at iba pang paglabag sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na tatlong kaso ng hoarding ang naitala sa Bicol Region at isa pa sa Eastern Visayas. May naitala ring mga kaso ng profiteering o overpricing sa Eastern Visayas at Davao Region.

Bukod dito, isang kaso ng trademark infringement ang iniulat sa Central Luzon.

Samantala, iniulat ng PNP ang pagkakaaresto sa isang 43-anyos na lalaki sa isinagawang anti-illegal fuel sale operation sa Ligao City, Albay noong Marso 26. Isinagawa ng mga awtoridad ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek na umano’y may-ari ng establisimyento.

Advertisement

Ayon sa pulisya, ang kaso ay may kaugnayan sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na nagpapataw ng parusa sa ilegal na kalakalan at distribusyon ng petroleum products.

Nakumpiska sa operasyon ang isang fuel tanker truck, ilang storage containers, at tinatayang 1,000 litro ng gasolina, kasama ang marked money na ginamit sa operasyon. Umabot sa humigit-kumulang P2 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na ebidensya, ayon sa PNP.

Advertisement