Nagsagawa ng checkpoints at nagpatupad ng full alert status ang Philippine National Police o PNP bilang bahagi ng seguridad sa idinaraos na plebisito sa Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PBGEN Randy Glenn Guriba Silvio ng PNP Police Regional Office 5, sinabi nito na alas-tres pa lamang ng madaling-araw ay naka-deploy na ang mga pulis upang magbantay sa seguridad ng mga voting center.
Sa ngayon, wala pa umanong naitatalang anumang insidente na may kaugnayan sa plebisito.
Tiniyak din ng opisyal na nasa maayos na kondisyon ang mga naka-deploy na CCTV upang magamit sa pag-monitor ng mga posibleng insidente, partikular na sa mga border control area.
Ayon kay Silvio, inatasan din niya ang mga pulis na agad na rumesponde sa anumang insidenteng maaaring mangyari sa mga voting center at iba pang lugar na sakop ng kanilang pagbabantay.
Dagdag pa nito, nagpapatuloy ang pagmo-monitor ng PNP sa seguridad ng plebisito. Inaasahan ding personal na bibisita ang Regional Director upang masubaybayan ang sitwasyon at makakuha ng mga pinakahuling update kaugnay ng halalan.














