Photo @ web

Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga indibidwal na sangkot sa hoarding at profiteering ng langis, kasabay ng pinaigting na operasyon ng pamahalaan sa gitna ng banta sa suplay dulot ng tensiyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa PNP, umabot na sa limang kaso ang naitala kaugnay ng hoarding at profiteering sa mga lalawigan ng Eastern Samar, Albay, Masbate at Davao del Sur.

Ang hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na crackdown ng pamahalaan laban sa iligal na pag-iimbak at sobrang pagpepresyo ng produktong petrolyo, lalo na’t kasalukuyang nasa ilalim ng state of national energy emergency ang bansa.

Nakipagtulungan ang PNP sa Department of Energy (DOE) upang mas mapabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag.

Advertisement

Nauna nang hinigpitan ng DOE, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan, at PNP, ang inspeksiyon sa mga gasolinahan upang maiwasan ang manipulasyon sa suplay at presyo ng langis.

Sa ilalim ng Price Act of 1992, may mabigat na kaparusahan ang hoarding at profiteering sa mga pangunahing bilihin. Maaaring makulong ang mga lalabag ng mula isa hanggang labing-isang taon at pagmultahin ng halagang mula P5,000 hanggang P2 milyon, depende sa bigat ng kaso.

Advertisement