Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang operasyon sa Albay upang tumulong at tiyakin ang kaligtasan ng mga apektadong residente sa patuloy na ashfall mula sa Mayon Volcano.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., tuloy-tuloy ang pagtutok ng pulisya hindi lamang sa kasalukuyang ashfall kundi pati sa naunang mga buwan ng pagmo-monitor at pagbibigay ng seguridad sa mga komunidad sa paligid ng bulkan.
“Actually, it’s not only about the ashfall… tuloy-tuloy na po yung pulis natin na nagpapatrol at tumutulong dyan,” ani Nartatez.
Apektado ng malawakang ashfall ang mahigit 100 barangay at tinatayang 200,000 katao, habang mahigit 4,000 residente na ang inilikas mula sa mga delikadong lugar.
Bilang tugon, nagpadala ang PNP ng mga tauhan at kagamitan para sa clearing operations sa mga kalsadang natabunan ng makapal na abo, partikular sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Ligao City.
Pinalakas din ang police visibility at traffic assistance sa mga pangunahing kalsada upang gabayan ang mga motorista sa mga lugar na may halos zero visibility dahil sa abo.
Dagdag pa ng PNP, nagsagawa rin sila ng checkpoints sa mga kritikal na lugar upang maiwasan ang pagpasok sa danger zones at mapanatili ang kaayusan.
Kasama rin sa kanilang operasyon ang pamamahagi ng face masks, pakikipag-ugnayan sa mga local government units at disaster agencies, at pagtulong sa pamamahala ng evacuation centers para sa mga lumikas na residente.














