Pinarangalan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez si Police Cadet Van Marie Editha Gundaya Cagasan matapos itong manguna bilang valedictorian ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Silang-Paglaom” Class of 2026.
Si Cagasan, na nagmula sa Baybay City, ang nanguna sa 326 na nagtapos sa akademya at tumanggap ng mga prestihiyosong parangal kabilang ang Presidential Kampilan Award, Chief PNP Kampilan Award, at Best in General Education.
Ayon kay Romualdez, ang tagumpay ni Cagasan ay hindi lamang karangalan para sa Leyte kundi para sa buong Eastern Visayas. Binigyang-diin din niya na ang determinasyon ng kadete ay nag-ugat sa kanyang pangako sa kanyang namayapang ina.
“Isa itong kuwento ng talino, tibay ng loob, at pagmamahal sa pamilya,” ani Romualdez.
Kinilala rin ng House Speaker ang Visayas State University (VSU), kung saan nagtapos si Cagasan bilang iskolar ng Department of Agriculture sa kursong BS Biotechnology bago siya pumasok sa PNPA.
Ayon pa kay Romualdez, napatunayan ng VSU ang husay nito hindi lamang sa larangan ng agrikultura at agham kundi pati sa paghubog ng mga lider na may integridad at malasakit sa bayan.
Dagdag niya, sa tagumpay ni Cagasan ay nasasalamin ang dedikasyon hindi lamang para sa pamilya at paaralan kundi para rin sa buong bansa—isang inspirasyon na nagpapakita ng husay, dangal, at pag-asa ng mga Pilipino.









