NAGA CITY – Matapos ang anim na taon ng pansamantalang pagpapatigil sa byahe ng Philippine National Railways (PNR) trains na byaheng Naga-Legazi-Naga, muling umarangkada kahapon, Disyembre 27, 2023 ang nasabing tren at tinahak ang 101-kilometrong ruta sa naturang lugar.

Sa pag-arangakada ng PNR trains muli nitong natugonan ang kahilingan ng mga Bikolano na muli itong magbigay ng serbisyo sa rehiyon at sa mga lugar na dadaanan nito. 

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Jaypee Relleve, Department Manager ng PNR, sinabi nito na tinangkilik ng mga byaherong Bicolano ang unang araw ng pagbubukas ng byahe ng naturang tren.

Ayon kay Relleve, na ang nagtulak umano upang muli itong buksan ay upang maextend ang Passenger Train Services na hindi lamang mula Naga to Ligao ngunit hanggang Legazpi na upang makonekta na rin ang dalawang lungsod. 
Samantala, aabot naman sa 1,300 capacity ng isang tren. At ang train mula Naga papuntang Legazpi ay babyahe alas-5:38 ng umaga habang bandang alas-5:45 rin ng umaga aalis ang tren mula sa Legazpi City patungo sa Naga City.

Sa hapon naman, babyahe ang tren mula Naga patungong Legazpi City bandang alas-5:30 habang bandang alas-5:47 naman mula Legazpi papunta sa lungsod ng Naga.

Kaugnay nito pumapalo naman sa minimum na P15.00 hanggang P155, ang pamasahe ng naturang train ngunit depende sa final destination ng pasahero.

Magpapatupad rin ng 20% discount para sa mga estudyante, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens basta ipakita lamang ang kanilang mga IDs.

Sa ngayon, panawagan na lamang ng opisyal na tangkilikin pa ang Passenger Train services ng PNR dahil malaking tulong umano ito sa rehiyon. Hangad rin ng opisyal na iwasan ang vandalism dito, pagbabato at pangunguha ng mga parte ng riles dahil isa ito sa posibleng pagmulan ng aksidente