NAGA CITY – Dinagdagan ng Department of Education (DepEd)-Bicol ang pondo ng mga guro na gagamitin para sa mga learning materials na kakailangan para sa pagbubukas ng klase.
Ito’y kaugnay sa pag-apduba ni Presidente Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng academic year 2021-2022 sa Setyembre 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regional Director Gilbert Sadsad ng DepED Bicol, sinabi nito kahit hindi pa tuluyang natatapos ang school year 2020-2021 sinisimulan na nilang paghandaan ang mga dapat gawin sa susunod na pagbubukas ng klase sa rehiyon.
Aniya, ngayon pa lamang pinagpaplanuhan na nila kung ano ang mga maaring maging sistema ng enrollment para sa susunod na school year.
Kaugnay nito, inaalam na rin umano nila ang mga available na mga learning materials sa mga paaralan, upang malaman kung kakailanganin ulit magpaprint ng mga bagong modules.
Sinabi pa ng opisyal na muli pa ring gagamitin ang modular at online classes bilang mode of learning dahil pa rin sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa rehiyon.
Dagdag pa ni Sadsad, plano na ng DepEd Bicol na gawing digitalized ang mga learning materials.
Ito ay para umano sa mga mag-aaral na mayroong mga cellphone at laptop para sila na mismo ang maghahawak ng kanilang mga learning materials kung saan maaari na rin itong mai-upload sa kanilang mga gadgets.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Sadsad sa mga mag-aaral na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na kaharapin ang nagpapatuloy na hamon na dala ng COVID-19 pandemic lalo na sa edukasyon.