Nagpahayag ng matinding pag-aalala si Pope Leo sa tumitinding karahasan sa digmaan sa Iran, kasabay ng panawagan para sa agarang tigil-putukan at resolusyon sa pamamagitan ng diyalogo.
Sa kanyang pahayag noong Martes, sinabi ni Pope Leo na patuloy na lumalala ang sitwasyon sa gitna ng lumalawak na tensyon sa rehiyon, kung saan tumataas umano ang antas ng galit at karahasan.
“I want to renew the appeal for a ceasefire, to work for peace, but not with weapons—rather through dialogue,” ani ng Santo Papa habang kausap ang mga mamamahayag sa Castel Gandolfo.
Ayon pa sa kanya, umabot na sa mahigit isang milyong katao ang napalikas dahil sa labanan, habang marami na rin ang nasawi.
Kasabay nito, lumabas ang mga ulat na nagpaplanong magpadala ang United States ng libu-libong sundalo sa Middle East bilang bahagi ng pinalalakas na presensya militar sa rehiyon.
Nanawagan ang Santo Papa sa mga lider ng iba’t ibang bansa na unahin ang diplomasya at makabuluhang pag-uusap upang maresolba ang sigalot.
Noong Linggo, inilarawan din ni Pope Leo ang digmaan bilang isang “iskandalo sa buong sangkatauhan,” at patuloy ang kanyang panawagan para sa kapayapaan sa gitna ng lumalalang krisis.













