NAGA CITY- Bumagsak ng halos 60% ang popularity rate ni Japan Prime Minister Shinzo Abe mula ng maitala ang paglobo ng kaso ng coronavirus disease sa naturang bansa.
Sa report ni Bombo International Correspondent Hershey Nazrishvili, sinabi nitong nakukulangan ang mga residente ng Japan sa ipinapakitang aksyon ng pamahalaan laban sa nasabing sakit.
Ayon kay Nazrishvili, bagama’t nagpatupad ng state of emergency si Abe noong mga nakaraang linggo ngunit hindi kulang aniya sa higpit kung saan tila mas mahigpit pa ang mga polisiya sa Pilipinas kumpara sa naturang lugar.
Aniya, si Tokyo Governor Yuriko Koike lamang ang tanging gobernador na patuloy sa paghikayat sa national government na magpatupad na ng lockdown sa lugar para mapigilan na ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar.
Dagdag pa nito, dahil sa ilang mga limitasyon sa kapangyarihan kung kaya hindi basta makapagpatupad ng lockdown ang nasabing mga gobernador kahit naisin nila ang nasabing polisiya.
Sa ngayon, hinihintay na lamang aniya ng mga mamamayan ang magiging kasagutan dito ng National Government.
Sa ngayon mayroon ng kabuuang 7,885 kaso sa Japan habang 146 naman ang binawian ng buhay.