Inihayag ng Malacañang na wala umanong opsyon na inaalis sa usapin ng pagpapataas ng kita ng pamahalaan, kabilang na ang posibilidad ng pagbubuwis sa mga pinakamayayaman.
Ayon kay Claire Castro, kasalukuyang pinag-aaralan ng economic managers ang tinatawag na wealth tax, na inilarawan pa bilang “every economist’s dream.” Gayunman, aminado siyang hindi ito madaling ipatupad.
Ipinaliwanag ni Castro na sa karanasan ng ibang bansa, may mga nagtanggal na ng ganitong buwis dahil sa komplikadong implementasyon at mababang kita mula rito. Dagdag pa, may pangamba rin na maaari itong magdulot ng capital flight, lalo na sa panahon ng krisis.
Sa kabila nito, tiniyak ng Malacañang na patuloy nilang sinusuri ang iba’t ibang hakbang upang mapalakas ang kita ng gobyerno habang isinasaalang-alang ang posibleng epekto nito sa ekonomiya.














