Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na maaaring tumaas sa P80 kada litro ang presyo ng diesel sa susunod na linggo kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon sa DOE, malaki ang posibilidad ng dagdag-presyo kung hindi ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ang staggered o paunti-unting price hike. Sinabi ni Industry Management Bureau Director Rino Abad na kasalukuyang hinihintay ng mga oil company ang kumpletong datos mula sa limang araw na trading ng international oil prices bago maglabas ng pinal na computation at magpasya kung hahatiin ang pagtaas sa dalawa o tatlong implementasyon.

“Malalaman lang natin sa Sabado dahil ayaw nilang magdesisyon agad kung hindi pa kumpleto ang computation sa limang araw na trading. Doon nila pagdedesisyunan kung hahatiin sa dalawa o tatlong beses ang pagtaas, kung ilang araw o lingguhan ito ipatutupad,” paliwanag ni Abad.

Dagdag pa niya, layunin ng DOE na magkaroon ng matrix o talaan per company at per scheme upang masundan kung paano ipatutupad ng bawat oil firm ang kanilang price adjustment. Hindi inaasahang pare-pareho ang magiging desisyon ng mga kumpanya dahil mas kumplikado ang kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon kumpara sa huling pagkakataon na nagkaroon ng staggered increase.

Advertisement

Samantala, tinatayang tatagal ng apat hanggang walong linggo ang kasalukuyang sigalot sa Middle East. Ayon kay DFA Undersecretary Germina Usudan, may ulat na nagpaplano ang Estados Unidos na magpadala ng karagdagang rockets sa Iran habang may kasamang usapin tungkol sa posibleng susunod na lider ng bansa.

Advertisement