NAGA CITY- Nagpatupad na ng preemptive evacuation si Camarines Sur Governor Migz Villafuerte sa mga landslide at flood prone areas sa probinsya.
Maliban dito, ipinagbawal na rin ang paglayag ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan at coastal areas.
Suspendido parin ang klase sa lahat ng lebel sa Camarines Sur habang nagpatupad na rin ng kaparehong suspension ang lungsod ng Naga.
Ang naturang mga hakbang ang bahagi ng security measures ng mga otoridad dahil sa epekto ng Bagyong Ramon sa lalawigan na nananatili pa sa ilalim ng signal number 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ensign Bernard Pagador Jr, Station Commander ng Philippine Coast Guard Camarines Sur, sinabi nito na maliban sa mga coastal areas, binabantayan rin nila sa ngayon ang level ng tubig sa Bicol river na pwedeng makaapekto sa ilang mga lugar sakaling umapaw.
Samantala, dahil sa nararamdamang sama ng panahon, kinansela na rin ng Department of Education (DepEd) ang Palarong Panglungsod at Panlalawigan na nagsimula kahapon at magtatapos sana bukas, Nobyembre 15.