NAGA CITY- Inaasahan na ng isang opisyal sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur na tataas ang presyo ng mga produktong agrikultural at karne sa darating na Kapaskuhan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Victor Francia, Head ng Municipal Agriculturist Office, inaasahan na umano nila ang pagtaas ng presyo ng nasabing produkto dahil sa law of supply and demand partikular na sa karne. Dagdag pa rito, nananatili ang African swine fever (ASF) crisis sa bansa na nakakaapekto sa presyo ng karne.
Samantala, nasa P240 kada kilo ang presyo ng karne sa kanilang bayan, habang nasa P50-P52 naman ang commercial rice at nasa panahon ng anihan ng mga produktong agrikultura. Ayon kay Francia, hindi naman gaanong naapektuhan ng ulan ang kanilang bayan.
Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga magsasaka, hinimok sila ni Francia na ipagpatuloy ang pag-aalaga ng mga hayop lalo na’t may mga pagkakataong magiging maganda ang presyo ng mga alagang hayop lalo na sa mga holiday season tulad ng Pasko. Gayundin, ang tuluy-tuloy na pagtatanim ng mga gulay, mga high value crops para mas mapaunlad ang kabukiran gayundin ang buhay ng mga residente sa kanilang bayan.