Photo © web

Posibleng tumaas sa P60 hanggang P62 kada kilo ang presyo ng bigas pagsapit ng Setyembre, ayon kay Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr., bunsod ng patuloy na pagmahal ng abono at iba pang gastos sa produksyon.

Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, ipinaliwanag ni Laurel na halos dumoble na ang presyo ng abono—mula P1,650 ay umabot na sa P3,000—na direktang nagpapataas sa gastusin ng mga magsasaka.

Ayon sa kalihim, kung magpapatuloy ang paggamit ng tradisyunal na urea at hindi agad lilipat ang mga magsasaka sa mga alternatibong fertilizers na inirerekomenda ng Department of Agriculture, inaasahang tataas pa ang production cost at kalaunan ay presyo ng bigas sa merkado.

Upang mapigilan ang pagtaas, pinag-aaralan ng DA ang ilang hakbang tulad ng pagpapatupad ng “rice blend” at “corn blend.”

Advertisement

Ang rice blend ay tumutukoy sa paghahalo ng imported at lokal na bigas, gaya ng 70-30 o 60-40 na ratio, upang mapanatili ang sapat na suplay habang sinusuportahan ang lokal na produksyon.

Samantala, ang corn blend ay kombinasyon ng puting mais at bigas sa 50-50 na proporsyon bilang alternatibong staple food na maaaring makatulong sa pagpapababa ng demand sa bigas.

Iginiit ng DA na patuloy silang naghahanap ng mga solusyon upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon at iba pang hamon sa sektor ng agrikultura.

Advertisement