Isinusulong sa Senado ang panukalang magbibigay-daan para mapasailalim sa price control ang mga produktong petrolyo gaya ng diesel at gasolina sa panahon ng krisis. Layunin nitong tugunan ang kakulangan sa umiiral na Republic Act No. 7581 o Price Act, na kasalukuyang hindi sumasaklaw sa pangunahing fuel products kahit na malaki ang epekto nito sa presyo ng iba pang bilihin.
Ayon kay Senator Bam Aquino, na siyang nagpanukala, maaaring ipataw ang price control sa langis sa loob ng 30 araw kapag may umiiral na krisis. Mas mahaba ito kumpara sa kasalukuyang batas na 15 araw lamang ang sakop at limitado sa LPG at kerosene.
Giit ng senador, bagama’t dereguladong industriya ang langis, hindi dapat pabayaan na tuluyang sumirit ang presyo nito dahil direktang naaapektuhan ang pamumuhay ng publiko. “Kailangan nating tiyakin na may proteksyon ang mga mamamayan sa gitna ng krisis sa enerhiya,” ani Aquino.
Inihain ang panukala kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan, na siyang nagdulot rin ng pagtaas sa presyo ng iba pang pangunahing bilihin.
Samantala, sa kabila ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency, wala pa ring konkretong hakbang na ipinatutupad upang i-freeze o kontrolin ang presyo ng langis sa bansa. Ayon sa mga eksperto, posibleng magdulot ng karagdagang pasanin sa mga mamamayan ang patuloy na pagtaas ng fuel prices kung hindi agad aaksyunan.
Nanawagan si Senator Aquino sa Senado at sa pamahalaan na agarang pag-aralan at ipasa ang panukala upang masiguro ang proteksyon sa presyo ng langis at sa kabuhayan ng publiko, lalo na sa mga panahong may krisis sa enerhiya.














