NAGA CITY- Nagpalabas ng pahayag ang Principal ng Julian Militon Elementary School sa Naga City tungkol sa umano’y tangkang pagdukot sa isa sa kanilang mag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Apollo Sebello, Principal ng Juan Militon Elem. School, sinabi nito na nakatanggap umano ang kanyang opisina ng report galing sa isang guro na kasama mismo ang isang estudyante na muntik ng dukutin ng mga indibidwal na nakasakay sa isang puting van.
Ang nasabing pangyayari ay nakita umano mismo ng tiyahin ng bata kung kaya inutusan nitong tumakbo ang pamangkin at dumeritso na sa paaralan. Sa salaysay ng tiyahin ng naturang estudyante, tatlong katawo umano ang lulan ng van at may takip na bonnet ang kanilang mga mukha.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Julian Militon Elementary School sa mga kapulisan upang maimbestigahan ang pangyayari.
Kaugnay nito, sa isinagawang imbestigasyon ng Naga City Police Office, wala umano silang nakita sa CCTV footage na nagpapatunay na talagang nangyari ang nabanggit na insidente. Kaya naman itinuturing ng hepatura ang insidente na fake news na kumakalat ngayon sa social media na nagdadala ng pangamba at kalituhan sa publiko.
Gayunpaman, patuloy umano ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa buong Naga City upang maiwasan ang insidente ng pangdudukot sa mga estudyante o anupaman krimen na maaring mangyari sa komunidad.
Samantala, para naman sa pamunuan ng DepEd-Naga, kahit nilinaw na ng mga kapulisan sa lungsod na hindi totoo ang pangyayari, nagtungo umano sila sa Julian B. Meliton Elementary School para kausapin ang batang sangkot sa insidente at tiyaking nasa mabuting kalagayan ito.
Binigyang-diin ng opisyal na patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, maging aware sa kanilang paligid at agad na i-report sa pulisya ang anumang kahina-hinalang tao.
Sa ngayon, hinikayat na lamang ni Sebello ang publiko na maging alerto sa kanilang kapaligiran upang maiwasang ang anupaman na aksidente.