NAGA CITY – Iniimbestigahan na ng Philippine Statistics Authority ang mga nagpapanggap umano na enumerators ng ahensya na nagsagawa ng Population Census at Community Based Monitoring system sa Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raul Aspe, Supervising Statistical Specialist, OIC ng PSA-Camarines Sur, sinabi nito na ang mga lehitimong enumerator mula sa kanilang tanggapan ay nakasuot ng mga ID na kakaiba at kulay tortoise.

Dagdag pa ng opisyal, bihasa ang kanilang mga enumerator bago isalang sa nasabing census.

Dagdag pa rito, kailangang malaman ng publiko ang pagkakakilanlan ng mga lehitimong enumerator upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob.

Samantala, ang Population Census at Community Based Monitoring system ay isinasagawa sa buong bansa at naglilibot sa mga bahay-bahay.

Nagsimula ang census noong Hulyo 15 at tatagal hanggang Setyembre 15 o posibleng lumampas pa kung sakaling magkukulang ng mga tauhan.

Muli namang pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na maging maingat sa mga kumukuha ng kanilang impormasyon.