Itinutulak ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mas malawak na partisipasyon sa Olympic sports sa mga lokal na paligsahan kasabay ng pagbubukas ng ika-32 National Capital Region Athletic Association (NCRAA).
Hinimok ni PSC Chairman Patrick Gregorio ang mga organizer at atleta na isama at pagtuunan ng pansin ang mga Olympic sports upang mas marami ang maengganyo sa mga ito. Ayon sa PSC, nagsisimula sa lokal na paligsahan ang pagkakadiskubre ng talento ng mga atleta, at mas lalaki ang interes ng publiko kung makikita ang mga Olympic sports sa mga lokal na torneo.
Nakahanda rin ang PSC na tumulong sa paghahanap at pagsasanay ng mga atletang may potensyal na makapag-uwi ng gintong medalya sa Olympics, partikular sa Los Angeles 2028 at Brisbane 2032 Games.
Nagpahayag ng suporta si NCRAA General Manager Buddy Encarnado at tiniyak ang kahandaan ng liga na sundin ang panawagan ng PSC. Posibleng palawakin ng NCRAA ang saklaw nito, na dati’y nakatuon lamang sa basketball, volleyball, cheerleading, futsal, table tennis, at badminton.
Sa kasalukuyan, lumalaking interes ng kabataan sa athletics, swimming, at combat sports gaya ng taekwondo at judo, na pawang bahagi ng Olympic program. Layunin ng komisyon na palakasin ang grassroots development upang makapaghanda ang bansa ng mas maraming world-class athletes na kayang makipagsabayan sa pinakamalaking sports tournament sa buong mundo.








