NAGA CITY- Iba’t ibang aktibidad ng mga tao ang nagiging dahilan sa pagkawala ng mga tirahan ng mga pagong at pawikan gayundin ang pagbaba sa bilang ng mga ito sa mga katubigang bahagi ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Franz Colambo, Resident Veterinarian ng Albay Park and Wildlife, sinabi nito na ang patuloy na pagtatapon ng basura sa mga karagatan at mga ilog ang nagiging malaking dahilan sa pagkaubos ng kanilang species.
Idagdag pa umano rito ang patuloy na panghuhuli sa mga ito para ipagbili at lutuin kahit sa kabali ng mga batas na nagbabawal sa panghuhuli sa mga ito.
Binigyan diin ni Colambo na ang mga pagong at pawikan ay importante para mapanatili ang kalinisan ng tubig at pagprotekta sa mga coral reefs.
Dagdag pa ni Colambo na sa Pilipinas may limang species na ng pagong ang endangered o pinangangambahan nang maubos.
Samantala, ayon pa kay Colambo may mga tinatawag namang pet turtle, mga uri ng pagong na hindi umano pinapakawalan sa tubig dahil nadodomina nito ang ilan sa mga endemic na mga species ng pagong.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Colambo sa lahat na pangalagaan ang iba’t ibang nabubuhay na hayop sa ibabaw ng mundo.