NAGA CITY- Tiniyak ngayon ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo ‘Pido’ Garbin na walang dapat na ikabahala ang publiko sa panukalang batas na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte at cash aid para sa mga health workers at mahihirap na pamilyang apektado nang COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Garbin, sinabi nitong walang dapat na ipag-alala ang mga tao dahil nakatutok aniya ang nasabing batas sa pagtulong sa mga mamamayan na labis na naapektuhan ng COVID-19.
Ayon kay Garbin, ang pondo ang didiretso sa mga ahensya ng DOH, DSWD, DTI, mga local governemnt units (LGUs) at frontliners.
Aniya ang naturang mga tanggapan ang mangunguna sa pagbibigay ng mas mabilisang tulong at solusyon sa problema na kinakaharap dahil sa naturang sakit.
Wala rin aniyang dapat na ipag-alala dahil may binuo silang oversignt committee na mangangasiwa para mabantayan ang mga programa.
Maliban dito, kinakailangan din aniyang magreport ng Pangulo bawat linggo para malaman ng Kongreso kung ano ang pinagamitan ng pondo.
Samantala, magiging epektibo ang naturang batas, 15 araw matapos ang publication.