NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ng Camarines Norte Police Provincial Office na isa sa kanilang mga pulis ang umano’y nakasama sa 357 pulis na iniuugnay sa transaksyon ng iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCol. Marlon Tejada, Provincial Director ng CamNorte-PNP, sinabi nitong nasa Kampo Crame na ang naturang pulis na may ranggong “staff sergeant”.
Ayon kay Tejada, bagama’t ikinalungkot niya ang naturang insidente ngunit mas mabuti na aniya ito para malaman kung totoo o hindi ang naturang impormasyon.
Aniya, tatlong taon na rin ang naturang data kung kaya kailangan na ring mavalidate sa pamamagitan ng ajudication process o ang paglilitis para malaman kung guilty o hindi ang mga nakasama sa listahan.
Kung maaalala una ng nagbigay ng opsyon si PNP Chief Gen. Archie Gamboa sa naturang mga pulis na pwedeng i-avail ang early retirement habang nagpapatuloy ang one-month adjudication sa mga ito.