NAGA CITY – Tila walang nakitang pagsisisi ang pulis na namaril-patay sa umano’y kalaguyo ng kaniyang asawa sa Cabusao, Camarines Sur.
Maaalala, pinagbabaril-patay ng suspek na si PSSgt. Baltazar Manacob ang umano’y kalaguyo ng kanyang asawa na kinilalang si Arlando Sugay bandang ala-1:54 ng madaling araw noong ika-19 ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Juan Batolina, Police Community Affairs and Development and Public Information Officer ng Cabusao Municipal Police Station, sinabi nito na umuwi ang suspek sa kanilang bahay mula sa Ragay Municipal Police Station kung saan ito nakadestino matapos na makaramdam ng hindi maganda at nang makauwi ay agad nitong hinanap ang kaniyang asawa.
Aniya, matapos na hindi nito matagpuan sa kanilang bahay ang asawa ay agad itong nagtungo sa kubo na pag-aari ng biktima at dito na nga natagpuan na kasama ni Sugay ang asawa ng nasabing pulis na tila may ginagawa pang kababalaghan.
Dito na umano nagdilim ang paningin ni Manacob na naging dahilan upang bumunot ito ng baril at pagbabarilin ang nasabing biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang insidente agad namang nagreport ang suspek sa hepe nito sa Ragay Municipal Police Station kung saan ito nakadestino, at tahimik rin naman itong sumama sa mga awtoridad at isinuko ang ginamit nitong baril.
Dagdag pa ni Batolina, matagal na umanong magkakilala ang suspek at ang biktima dahil naging magkasama na rin ang mga ito sa pagsasaka at magkatabi lamang naman ang kanilang mga lugar na tinitirhan.
Matagal na rin umanong nakakarinig ng bulong-bulungan ang mga tao sa lugar hinggil sa umano’y pagkakaroon nga ng relasyon ng asawa ni Manacob at ng biktima ngunit wala silang nakikitang konkretong ebidensya na magpapatotoo dito.
Samantala, ayon naman umano sa naging pakikipag-usap ni Batolina sa suspek hindi ito nagpakita ng anuman na indikasyon na mayroon itong pagsisisi sa nagawang krimen.
Sa kabilang banda, tahasan namang inamin ng asawang babae ang relasyon nito sa naturang biktima.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya pa ng Cabusao MPS ang suspek at mahaharap sa kasong homicide.