NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang babaeng pulis sa loob ng kaniyang inuupahang apartment, Linggo ng gabi sa Naga City.
Ang nasabing biktima ay may posisyon na Patrolman at nasa dalawamput-anim na taong gulang, residente ng Brgy. Binogsacan, Guinobatan, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Juvy Llunar, Station Commander ng Police Station 2 ng NCPO, sinabi nito na nakahiga sa kanyang kama at mayroong isang tama ng bala ng baril sa noo nang matagpuan ang biktima.
Dagdag pa rito, nang matagpuan ang biktima ay hawak nito sa kaniyang kanang kamay ang isang baril na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.
Aniya, kasali sa tinitingnang anggulo ng mga awtoridad ang posibleng pagkakaroon ng foul play sa nasabing krimen.
Una rito, nabatid na hindi pumasok ang biktima noong Linggo at hindi rin ito makontak ng kanyang mga kabaro kaya nagdesisyon silang puntahan na lamang ito sa kanyang apartment.
Ngunit pagdating ng dalawang kasama nito sa nasabing apartment, dito na tumambad ang wala nang buhay na katawan ng biktima.
Samantala, ang nasabing biktima ay naka-assign sa City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa nasabing himpilan at nangungupahan sa isang apartment sa Magsaysay Avenue, Barangay Concepcion Pequeña, sa nasabing lungsod.
Nauna rito, hindi pumasok ang biktima noong Linggo at hindi rin ito makontak ng kanyang mga kabaro kaya nagdesisyon silang puntahan na lamang ito sa kanyang apartment.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni PCol. Nelson Pacalso, City Director ng NCPO na titingnan nila ang lahat ng posibleng anggulo para malaman ang totoong nangyari kaugnay ng nasabing krimen.