NAGA CITY- Patay ang isang Punong Barangay sa bayan ng Pili, Camarines Sur matapos pagbabarilin ng riding in tandem.
Kinilala ang biktima na si Punong Barangay Nerio Brazal ng Barangay San Juan nang nabanggit na bayan.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Anselmo Anatascio, saksi sa pangyayari at isa sa mga katuwang ng napasalang na Kapitan sa meatshop nito, sinabi nito na habang nakaupo ang biktima sa loob ng kanilang meat shop sa bayan ng Pili nang biglang dumating ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo at walang awang pinagbabaril ang biktima.
Sa una, inakala nila na bibili lamang ang mga ito ng karne ngunit laking gulat ng mga tao nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.
Nagsipagtakbuhan naman ang mga nakakita dahil sa labis na gulat at pagkatakot sa nasabing insidente.
Samantala, matapos naman ang krimen, kaagad na tumakas ang riding in tandem patungo sa hindi malamang direksyon.
Sa paunang imbestigasyon ng mga kapulisan, ang biktima ay dati ring naging Liga President ng nabanggit na bayan.
Kilala umano ito sa kanilang barangay bilang mabait at matulungin kaya hindi pa malinaw ang motibo sa krimen.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Pili Municipal Police Station sa nasabing insidente.