NAGA CITY- Sugatan ang isang Barangay Kapitan matapos pagbabarilin sa Brgy. Rizal, San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Cesar Hufancia, 35-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na habang nakikilamay ang nasabing Punong Barangay ng bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa naturang insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng kaniyang binti si Hufancia na agad namang dinala sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip sa naturang suspek.