NAGA CITY- Mahigpit na tinutulan ng Piston Cooperative sa lungsod ng Naga ang isinusulong na traditional jeepney phase out at public utility vehicle modernization ng National Government.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Domingo Porlaje, Manager ng Piston Cooperative, sinabi nito na hindi umano kaya ng jeepney driver ang halaga ng isang makabagong jeep na umaabot sa P2.6 milyon.
Aniya, dagdag na pasakit sa kanila lalo na sa mga tao na ang hanap-buhay na ang pamamasada.
Sa usapin naman hinggil sa transport strike na isinagawa ng ilang transport group sa bansa na nagsimula kahapon, Lunes Marso 6, 2023 hindi umano ibig sabihin na hindi nakiisa ang Bicol Transport Cooperative Federation sa nasabing tigil pasada, nangangahulugan na ito ng kanilang pagsang-ayon sa public utility vehicle modernization ng pamahalaan.
Maaalala kasi, sa lungsod ng Naga ay walang naganap na transport strike at nagpapatuloy ang operasyon ng mga jeepney.
Kaugnay nito, naniniwala kasi ang mga transport group sa Bicol na mayroong mas magandang pamamaraan upang maipaabot ng kanilang grupo ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan at ang pagsasagawa ng tigil pasada ang magdadala umano ng perwisyo o abala sa lahat lalo na sa commuters at maging sa kanilang hanap-buhay.
Ngunit sa kabila nito, pinasalamatan naman ni Porlaje ang ilang transport group sa bansa na tumayo at nanindigan sa kanilang paniniwala at nakiisa sa isinagawang tigil pasada dahil sa pamamagitan umano ng kanilang ginawa kumilos ang Senado na gumawa ng kanilang imbestigasyon hinggil sa public utility vehicle modernization.
Sa ngayon, nagpadala na ng sulat ang Bicol Transport Cooperative Federation sa national government upang maipaabot ang kanilang mga hinaing at mungkahi.