NAGA CITY – Nananatiling nasa festive mood ang bansang Qatar sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2022.
Ito ay sa kabila ng tuluyang pagtatapos ng nasabing bansa sa naturang torneyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Imelda Yambao mula sa Qatar, sinabi nito na tanggap na rin ng mga Qatari ang naging kapalaran ng kanilang koponan at mas pinipili na lamang ng mga ito na sumuporta sa ibang koponan.
Aniya, ang makapag-host pa lamang ng isang World Cup ay isa nang malaking karangalan para sa kanilang bansa.
Dagdag pa nito, ang naturang event umano ay naging daan para sa malaking pagbabago sa bansang Qatar mula sa dating isang diserto lamang na ngayon ay punong-puno na ng malalaking mga gusali.
Nagkaroon na rin aniya ng iba’t-ibang mode of transportation at iba pang naggagandahang pasyalan sa lugar.
Labis din ang naging pasasalamat ni Yambao sa bawat fans ng iba’t-ibang koponan na pumunta sa nasabing bansa dahil na rin sa pagrespeto ng mga ito sa tradisyon ng Qatar kung saan wala pang naitatalang anumang uri ng kaguluhan sa lugar magmula ng pagsisimula ng torneyo.
Samantala, patuloy din umano na gagawin ng Qatar ang kanilang responsibilidad bilang host country ng FIFA ngayong taon dahil ilang taon din umano nila itong pinaghandaan.
Pagbabahagi pa nito, ito rin umano ang unang pagkakataon na isinagawa ang World Cup sa isang Muslim country.