NAGA CITY- Agad nagsagawa ng Special Investigation Task Group ang Quezon Police Provincial Office matapos mabalitaan ang ilang linggo nang nawawala na mag-ina mula sa Japan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Elizabeth Capistrano, Public Information Officer ng Quezon Police Provincial Office, sinabi nito na sa kanilang isinagawang tracking, nakita sa isang grassy area portion na medyo malambot ang lupa, dahilan kung bakit nagduda ang mga ito.
Kaugnay nito, agad nila itong hinukay at dito na nila nadiskubre ang isang parte ng katawan, dahilan upang tumawag sila agad ng SOCO upang agad na i-proseso ang paghuhukay.
Sa ngayon ay hindi pa aniya nila masasabi kung kailang binawian ng buhay ang mag-ina dahil hanggang sa ngayon ay nag-aantay pa sila sa resulta ng autopsy report mula sa SOCO.
Samantala, ito naman ang unang pagkakataon na may ganitong klase ng insidente sa kanilang lugar ayon kay Capistrano, lalo na’t may isang foreign national na naging biktima.
Sa ngayon, sinisiguro naman nila na makukuha ng mga biktima ang hustisya.