NAGA CITY- Tahasang sinabi ng National Union of Journalist of the Philippines na isang hamon ngayon sa Supreme Court at Kongreso ang naging pagsampa ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, National President ng NUJP, sinabi nito na ang ginagawa ng gobyerno ang nagpapakita lamang sa pang-aabuso ng kapangyarihan.
Dagdag pa nito, oras na para patunayan ng Korte Suprema at Kongreso na balanse pa an sitwasyon ng kapangyarihan sa Pilipinas.
Dapat aniyang ipakita at manindigan ang Kongreso na sila ang may poder sa naturang usapin.
Maliban dito, dapat din aniyang manindigan ang SC na mali ang naging hakbang ni Calida na idirekta sa kanila ang nasabing isyu habang gumagalaw pa ito sa Kongreso.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Espina na magpapatuloy ang kanilang mga gagawing black Friday protest bilang bahagi ng kanilang pagkontra sa pagharang ng gobyerno sa pamamahayag lalo na sa mga hindi pabor sa kanila.
Kung maaalala, naghain si Calida ng quo warranto petition para ipawalang bisa ang legislative franchises ng ABS-CBN Corporation at kanilang subsidiary.