NAGA CITY- Mariing kinondena ng kapulisan ang ginawang tahasang pag-amin ng mga pinaniniwalaang rebeldeng grupo sa pag-atake nito sa 2nd Police Mobile Force Company sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), nabatid na ang ugat umano ng taktikal na opensiba ng mga rebeldeng grupo ay ang pagbibigay nito ng hustisya sa sunod-sunod na pagkasawi ng kanilang mga kasamahan.

Ito umano ay may kaugnayan sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng CNPPO noong Pebrero 25 hanggang 26, 2021 na ikinasawi ng limang miembro ng pinaniniwalaang rebeldeng grupo.

Kasama na rito ang isang kapitan na kanilang supporter, isang kagawad na financer ng kanilang grupo at tatlong suspek na beripikadong miyembro rin ng kanilang grupo.

Kaugnay nito, nabatid na hadlang umano kung ituring ng mga rebeldeng grupo ang pagbabantay ng kapulisan sa ginagawang Labo-Tagkawayan road.

Kung saan, nalilimitahan ang kilos ng mga ito sa pangingikil sa mga contractors at back miners sa lugar.

Samantala, kung maaalala Marso 19, 2021, limang pulis ang nasawi habang dalawa naman ang nasugatan matapos tambangan ng mga rebeldeng grupo sa naturang bayan.