NAGA CITY- Isinailalim na sa Red Alert Status ang lalawigan ng Camarines Sur dahil sa banta na dala ng bagyong Bising.

Sa memorandum na inilabas ni Governor Migz Villafuerte, inalerto na ang lahat na mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC), Incident Management Team (IMT), gayundin ang Emergency Operations Team (EOT) na agad magsagawa ng karampatang paghahanda sa pagdating ng nasabing sama ng panahon.

Kaugnay nito isinagawa narin ngayong araw ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na itinuturing na nasa High Risk Areas.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt Ailene Abanilla, Station Commander ng Philippine Coast Guard (PCG-CamSur) sinabi nito na nakabandera na rin ang Red Alert Status sa nasabing ahensya kung saan kasalukuyan na umanong naka stand by ang kanilang mga tauhan.

Ayon dito, inaasahan rin ang pagdating ng aabot sa 10 augmented personnel at mga life boat na mula sa PCG Regional office.

Sa ngayon, nakataas na ang Tropical Cyclone sa ibang bahagi ng Bicol Region kung saan kasalukuyan nang nasa signal number 2 ang lalawigan ng Catanduanes habang signal number 1 naman ang eastern portion ng Camarines Norte (San Lorenzo Ruiz, San Vicente, Vinzons, Talisay, Daet, Mercedes, Basud), Camarines Sur, Albay, Sorsogon, at Masbate kasama ang Burias at Ticao Islands.

Habang, mahigpit ring pinaalalahanan ang mga mamamayan na patuloy na sundin ang mga health protocols laban sa Covid-19 sa paglikas.