NAGA CITY – Iginiit ng isang propesor sa Naga City na hindi maiiwasan na magreklamo ang mga guro sa kanilang mababang dagdag sa kanilang buwanang suweldo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Vasil Victoria, Propesor sa Ateneo de Naga University, sinabi nito na sa kabila ng panawagan ng pagtaas ng sahod ng mga guro, nananatili itong mababa kumpara sa kanilang pangangailangan.
Dagdag pa ni Victoria, maging ang mga nasa pribadong paaralan ay nararamdaman din ang epekto ng mababang suweldo. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi sila tumitigil sa pag-aaral para makakuha ng Master’s at Doctorate.
Sa ganitong paraan nabibigyan sila ng pagkakataong tumaas ang kanilang suweldo at hindi magdusa sa mababang kita.
Sa ngayon, pinaalalahanan ng propesor ang kanyang mga kapwa guro na huwag makuntento sa pagtatapos ng kolehiyo kundi ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral upang mapalawak ang kanilang kaalaman at maiangat ang kanilang mga posisyon na magdadala rin sa kanila ng karagdagang suweldo.