Photo © web

Inakusahan ni Caloocan Representative Edgar Erice si House Majority Leader Sandro Marcos na may kinalaman umano sa kanyang pagtanggal bilang Senior Deputy Minority Leader sa Kamara, kasunod ng umano’y “pressure mula sa itaas” na ipinabatid sa kanya ni Minority Leader Marcelino Libanan.

Sinabi ni Erice na mismong si Libanan ang nagpaalam sa kanya tungkol sa pagpapalit sa kanyang posisyon at umano’y inamin na nahihirapan na itong harapin ang presyur mula sa mas mataas na liderato.

Ayon kay Erice, madalas umanong makatanggap ng tawag si Libanan mula kay Marcos tuwing magbibigay siya ng talumpati na kumokritisismo sa mga polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang privilege speech sa Kamara, iginiit ni Erice na wala siyang sama ng loob sa kanyang pagkakatanggal at sinabi pang ikinararangal niyang mapalitan ni ML party-list Representative Leila de Lima, na aniya’y mas matatag na tagapaglaban para sa katotohanan at hustisya.

Advertisement

Ipinaliwanag din niya na ang kanyang mga puna ay nakatuon lamang sa mga polisiya ng pamahalaan, kabilang ang paraan ng paglalaan ng pambansang badyet at ang kakulangan umano ng aksyon laban sa mga responsable sa mga problema sa flood control projects.

Binigyang-diin ni Erice na bahagi lamang ng kanyang tungkulin bilang opisyal ng minorya ang magtanong at magbigay ng kritisismo upang mapanagot ang pamahalaan. Gayunman, sinabi niyang tila hindi tinatanggap ng liderato ng Kamara ang ganitong uri ng pagpuna.

Binanggit din ng kongresista ang umano’y insidente kung saan ipinatawag siya sa opisina ni Marcos matapos niyang kuwestiyunin ang pambansang badyet para sa mga nakaraang taon. Ayon kay Erice, kinuwestiyon umano ni Marcos ang kanyang talumpati at sinabing ina-atake nito ang kanyang ama na ang tinutukoy ay ang Pangulo.

Samantala, itinanggi ni Libanan na may presyur mula sa mas mataas na opisyal na naging dahilan ng pagpapalit kay Erice. Aniya, ginawa ang hakbang dahil nahihirapan na umano ang kanyang alter sa plenaryo na gampanan ang tungkulin.

Tumutol din si Deputy Speaker Janette Garin sa mga paratang ni Erice at hinimok ang minorya na huwag idamay ang mayorya sa usapin ng pagpili ng kanilang mga opisyal.

Sa kabila nito, iginiit ni Erice na matagal nang alam sa Kamara na may impluwensya ang mayorya sa kung sino ang mamumuno sa hanay ng minorya.

Advertisement