Sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Quezon City Rep. Bong Suntay dahil sa umano’y paglabag sa Safe Spaces Act, Magna Carta of Women, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials kaugnay ng kanyang seksuwal na pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis.

Inihain ng grupong World March of Women-Pilipinas ang reklamo matapos magsagawa ng martsa patungo sa Ombudsman habang may dalang banner na may nakasulat na “Hold Misogynists Accountable.”

Nag-ugat ang kontrobersiya sa naging pahayag ni Suntay sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes kung saan ipinagtanggol niya ang naunang pahayag ni Sara Duterte na “naisip” umano nitong putulin ang ulo ni Ferdinand Marcos Jr..

Upang ipaliwanag ang kanyang punto, sinabi ni Suntay na naranasan din umano niyang magkaroon ng “desire” nang makita si Curtis sa publiko, ngunit hanggang “imagination” lamang umano ito.

Advertisement

Dahil sa pahayag, umani ng batikos ang kongresista mula sa iba’t ibang grupo at netizens dahil sa umano’y misogynistic at hindi angkop na komento.

Kinilala naman ni Suntay noong Huwebes na hindi nararapat ang ginamit niyang halimbawa at sinabi niyang maaaring may mas maayos na paraan upang maipaliwanag ang kanyang punto.

Humingi rin siya ng paumanhin sa mga taong nasaktan sa kanyang pahayag at sinabing handa siyang harapin ang kritisismo dahil sa kanyang naging pagkakamali.

Bukod sa reklamong inihain sa Ombudsman, nahaharap din si Suntay sa hiwalay na ethics complaint sa House of Representatives of the Philippines kaugnay ng parehong isyu.

Advertisement