NAGA CITY- Nagpanic ang mga residente sa bayan ng Goa, Camarines Sur dahil sa inaasahang pagtama ng Bagyong Pepito sa Partido Area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Karen Angelica Almayda Lumactod, mula sa nasabing bayan, sinabi nito na nitong nakaraang araw pa lamang ay naging abala na sila sa paghahanda sa nasabing masamang panahon. Bukod dito, nag-imbak din ang mga residente ng tubig dahil tuwing may sakuna, ay nawawalan umano ng suplay ng tubig sa bayan.
Dagdag pa rito, nagkakaubusan na ng mga bilihin ang ilang tindahan sa bayan nang magsimulang mag-panic buying ang mga residente.
Samantala, iginiit din ni Lumactod na walang masamang magtiwala sa mga palatandaang napansin umano nitong mga nakaraang araw, kung saan ikinamangha ngunit nagdala rin ng takot ang kulay dugong kalangitan sa lugar. Gayunpaman, naniniwala si Lumactod na kasalanan ng mga tao ang mga nararanasang pagbaha sa bansa dahil sa pang-aabuso sa kapaligiran.
Sa ngayon, ipinagdarasal nalang nito na huwag tumama ang bagyo ngunit kung sakali umanong manalasa ito sa Bicol Region, nagpaalala na lang si Lumactod na manalangin at paghandaan ang nasabing kalamidad.