NAGA CITY- Tila nag-aagawan na umano ang mga residente sa vaccination slot sa bayan ng San Fernando, Camarines Sur.
Ito’y kaugnay pa rin ng nagpapatuloy na vaccination program sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Marjorie Garchitorena Villegas, tagapagsalita ng Rural Health Unit (RHU)-San Fernando, sinabi nito na bagama’t may pag-aalinlangan noong una kaugnay ng COVID-19 vaccine, maayos na umano ngayon ang reception ng mga tao sa nasabing bakuna.
Aniya, nasa 295 na ang mga nabakunahan gamit ang Sinovac habang nasa 100 na rin ang mga nabakunahan ng AstraZeneca sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Mayor Fermin Mabolo na plano ng lokal na pamahalaan ng San Fernando na hingin ang alokasyon na bakuna sa ibang bayan na medyo mahina ang proseso sa pagbabakuna.
Ito’y para umano mauna na silang magkaroon ng herd immunity at para na rin manumbalik ang sigla ng kanilang ekonomiya.
Sa likod nito, nabatid na fully vaccinated na ang alkalde gamit ang bakuna na SinoVac mula sa China.