Photo @ web

Inihayag ni dating Congressman Mike Defensor na base sa natanggap niyang impormasyon, nananatili sa bansa ang retired Marine sergeant na si Orly Guteza, bagama’t blangko siya sa eksaktong lokasyon nito.

Ayon kay Defensor, wala siyang direktang komunikasyon kay Guteza, ngunit natanggap niya ang impormasyon na nasa mabuting kalagayan ito. Umaasa ang dating mambabatas na muling lalantad si Guteza kasunod ng kamakailang paglutang ng 18 dating Marines na diumano’y nagdala ng P805 bilyong halaga ng male-maletang pera bilang kickbacks mula sa umano’y maanomaliyang flood control projects.

Naging sentro ng atensyon si Guteza matapos itong iharap bilang testigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan inimbestigahan ang alegasyong anomalya sa flood control projects. Dito, sinabi ni Guteza na nagsilbing security aide siya ni dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co at nagdala ng male-maletang pera sa ilang pulitiko, kabilang si Co at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ipinakilala si Guteza sa Senate hearing ni Senator Rodante Marcoleta, sa pamamagitan ni Defensor. Ang pagkilos na ito ay nagdulot ng malaking interes sa publiko at nagpapatuloy ang mga imbestigasyon hinggil sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Advertisement
Advertisement