NAGA CITY- Dismayado ang pamilya Villasor sa naging pagtugon ng mga otoridad maging ng Public Attorney’s office (PAO) sa pagkamatay ng isang retired Philippine Army matapos na makabanga ang motorsiklong sinasakyan nito sa minamaneho naman ng anak ng mismong alkalde sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang namatay na si Adrian Dionson Villasor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Elizabeth Villasor, asawa ng biktima, sinabi nito na tila walang pakialam ang mga kapulisan kahit na inireport nila ang naturang insidente.
Dagdag pa nito, inabisuhan rin umano sila ng PAO na huwag ng ituloy ang reklamo at kaso sapagkat matatalo lamang umano sila dito kung kaya makipag-areglo na lamang.
Samantala, ayon naman sa mga anak nito, walang mga pulis ang agad na rumesponde sa pinangyarihan ng insidente habang napag-alaman din na hindi sila ang unang tinawagan ng mga otoridad upang ipaalam ang nangyari kung hindi ay ibang mga tao pa batay sa laman ng mga mensahe sa telepono ng mismong nito.
Pinasinungalingan naman ng pamilya ang sinabi ng mga otoridad na walang lisensiya ang biktima dahil hindi naman umano ito umaalis ng hindi kumpleto ang dalang papeles ng kaniyang motorsiklo.
Tila wala rin aniyang pakialam ang anak ng alkalde na kinilalang si Analyn Bongalonta dahil hindi man lang nito nagawang humingi ng tawad o bumisita man lang sa burol ng biktima hanggang sa inilibing na ito.
Sa ngayon, desidido pa rin ang pamilya Villasor na magsampa ng kaso laban kay Bongalonta.