NAGA CITY – Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang retrieval operation ng mga awtoridad at tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Milaor, Camarines Sur sa nawawalang barangay tanod na nahulog sa Bicol River.
Kinilala ang biktima na si Arnulfo Aguirre, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alexandrie Hidalgo, Operation Head ng naturang opisina, sinabi nito na katulong nila sa retrieval operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police at EDMERO para hanapin ang katawan ng biktima.
Dagdag pa nito, lumalabas sa imbestigasyon na bago mahulog sa nasabing ilog, naglalakad ang biktima malapit sa barandilya habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.
Aniya, may mga nakakita rin sa pagkahulog ng biktima kasama na ang isang senior citizen na nag-abot pa sana ng mahahawakan kay Aguirre ngunit tuluyan din itong lumubog.
Idagdag pa na malakas ang agos ng tubig sa ilog kung kaya nahirapan ang kanilang hanay na agad mahanap ang biktima.
Sa ngayon, humihingi na lamang ito ng tulong sa mga residente na mayroong bangka na maaaring makatulong sa para sa mas mapadali ang nasabing retrieval operation.
Samantala, paalala na lamang ng opisyal sa lahat ng mga mamamayan sa kanilang lugar na mag-ingat sa lahat ng oras.