Inabot ng 24 oras ang paghahanap sa bangkay ng tricycle driver na umano’y tumalon sa Mabolo bridge sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang biktima na isang 28-anyos na lalaki, tricyle driver at residente ng barangay Mabolo, sa nasabing lungsod.

Maaalala, una nang naireport na lumusong umano ang biktima sa ilog upang magpalipas ng kalasingan ngunit hindi na ito muling lumutang.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PMaj. Nollan Romobio, Naga City Police Office-Station 5 Station Commander, sinabi nito na agad namang nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga kapulisan kasama ang Philippine Coast Guard sa nasabing lugar ngunit nahirapan silang mahanap ang katawan ng biktima dahil hindi agad ito lumutang mula sa ilalim ng tubig.

Samantala, matapos ang 24-oras natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima kasama ang mga water lilies at iba pang water hyacinths sa lugar mismo kung saan ito huling nakita.

Ayon naman umano sa mga kasamahang driver ng biktima mayroon itong pinagdadaanang problema at posibleng ito ang naging sanhi ng pagpapatiwakal nito.

Sa ngayon, paalala na lamang ng opisyal na kung may mga pinagdadaanan sa kanilang mga buhay maaari namang lumapit sa kapulisan upang humingi ng tulong upang hindi umabot pagkitil sa kanilang mga buhay.